MANILA, Philippines – Pasok ang 11 kandidato ng Team Pnoy at lima lamang ang pumasok sa mga kandidato ng United Nationalists Alliance (UNA) sa pinakabagong pre-election survey ng Pulse Asia para sa senatorial election sa darating na Mayo 13.
Sa survey na ginawa noong Abril 20-22 sa 1,800 katao, nakapasok sina Team PNoy bets Risa Hontiveros at Ramon Magsaysay sa Top 16.
Nakakuha ng 25.8 porsiyento si Hontiveros at 25.6 si Magsaysay na kapwa nasa 12-17 na puwesto. Naitukal pababa ng dalawang kandidato mula sa naturang puwesto si UNA candidate at dating senador Richard Gordon.
Kinopo ng Team PNoy ang top six spots sa pangunguna ni Loren Legarda (51.5 porsiyento, 1-2), Chiz Escudero (48.3 porsiyento, 1-2), Grace Poe (42.4 porsiyento, 3-4), Alan Peter Cayetano (40 porsiyento, 3-7), Cynthia Villar, (37.7 porisyento, 4-9) at Antonio Trillanes (35.8 porsiyento, 4-10).
Pasok din sa top 16 ang iba pang bala ng Team Pnoy na sina Benigno "Bam" Aquino (35.7 porsiyento 4-10), Koko Pimentel (32.7 porsiyento, 6-12) at Edgardo "Sonny" Angara (31.2 porsiyento, 8-14).
Ang limang nakapasok mula sa UNA ay sina JV Ejercito Estrada (34.7 porsiyento, 5-11), Nancy Binay (34.6 porsiyento, 5-11), Migz Zubiri (29.7 porsiyento, 10-16), Gringo Honasan (27.9 porsiyento, 11-16) at Juan Ponce Enrile Jr. (27.2 porsiyento, 11-16).