'3 sa 10 Pilipino nananatiling busabos'

MANILA, Philippines – Tatlo sa 10 Pilipino ang nananatiling nasa ilalim ng poverty line sa unang anim na buwan ng 2012, ayon sa National Statistical Coordinating Board (NSCB) ngayong Martes.

Base sa Family Income and Expenditure Survey na isinagawa ng National Statistics Office noong Hulyo 2012, sinabi ni NSCB Secretary General Jose Ramon Albert na nasa 27.9 porsiyento ang poverty incidence para sa unang tatlong buwan ng 2012.

"Comparing this with the 2006 and 2009 first semester figures estimated at 28.8 percent and 28.6 percent, respectively, poverty remained unchanged as the computed differences are not statistically significant," ulat ng NSCB.

Ayon sa ulat, ang isang pamilya na may limang miyembro ay nangangailangan ng P5,458 na pondo para matustusan ang mga pangunahing pangangailangan sa pagkain pa lamang sa loob ng isang buwan.

Upang umagant sa poverty line, kailangang magkaroon ng P7, 821 na kita kada buwan ang isang pamilya upang ipambili ng pagkain at ipantustos sa iba pang pangunahing pangangailangan.

Sinabi pa ng NCSB na 22 sa 100 pamilya pa rin ang mahirap noong unang tatlong buwan ng 2012 at 13 sa 100 Pilipino ang sinasabing nakakaranas pa rin sila ng matinding kahirapan.

Ayon sa ahensya, ang mga datos ay pareho pa rin ng mga resulta ng giwana nitong pag-aaral noong mga taong 2006 at 2009.

Pinakamahirap

Samantala, sinabi ng NCSB na nananatiling ang Autonomous Region in Muslim Mindanao pa rin ang pinakamahirap na rehiyon sa bansa dahil sa 46.9 porsiyento ng poverty incidence.

Ang mga probinsya ng Apayao, Davao Oriental, Masbate, Northern Samar, Sultan Kudarat, Zamboanga del Norte, Bukidnon, Cotabato City, Ifugao, Lanao del Norte, at North Cotabato naman ang may matataas na porsiyento ng poverty incidence sa unang tatlong buwan ng 2006, 2009 at 2012.

"Problems with peace and security played a substantial role in the increased poverty incidence in the provinces of Maguindanao, Lanao del Sur, North Cotabato and Cotabato City," pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.

"The past incidences of armed conflict instilled fear and retained the perception of uncertainty that reduced economic activity in the area," dagdag ni Balisacan.

Matatandaan na kamakailan lamang ay ipinagmalaki ng pamahalaan na wala nang nagaganap na bakbakan sa pagitan ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front at militar dahil na rin sa mas maayos na pagpapatupad ng tigil-putukan na bahagi ng usapang-pangkapayapaan.

Show comments