MANILA, Philippines – Aabot sa tatlong kilo ng shabu ang nakumpiska mula sa 39-anyos na Nigerian national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lungsod ng Pasay nitong Biyernes ng gabi.
Pinangalanan ni Arturo Cacdac Jr., hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency, ang suspek na si Michael Owoborode, isang negosyante mula sa lungsod ng Lagos.
Sinabi ni Cacdac na dumating sa bansa si Owoborode sakay ng Thai Airways Flight TG624 mula sa Bangkok, Thailand, nang maaresto siya bandang 9:30 ng gabi sa arrival area ng NAIA Terminal 1.
Napansin ng Duty Customs Examiner ang tatlong pakete ng ilegal na droga na nakasilid sa kaliwa, kanan at likurang bahagi ng bag ni Owoborode.
Base sa flight details ng suspek, napag-alamanan na mula pa ito sa Nigeria at tumungo ng Cairo, Egypt, saka pumunta ng Bangkok, Thailand, bago nakarating dito sa bansa dala ang bawal na droga.
Nasa kustodiya ng PDEA-NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group si Owoborode para sa kasong drug trafficking.