MANILA, Philippines - Iniharap ngayong Miyerkules ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Court of Appeals ang mga testigo na nagpapatunay na miyembro ng New People's Army (NPA) ang inaresto ng mga tauhan nitong security guard noong Oktubre 2012.
Ilang testigo ang inilutang ng military sa korte upang patunayan na ang inaresto nila noong Oktubre 6, 2012 ay ang hinihinalang miyembro ng NPA na si Benjamin Mendoza at hindi isang Rolly Panesa.
Samantala, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga militanteng grupo sa pangunguna ng human rights group na Karapatan sa harap ng korte.
"Lies will fill the courtroom today," pahayag ng grupo.
Ibinulgar kamakailan ng grupo na isang inosenteng Rolly Panesa ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine Army noong Oktubre 6 at hindi si Mendoza na isang hinihinalang miyembro ng NPA.
Kamakailan ay lumutang ang isang Josie Panesa at inihayag na kapatid niya ang naaresto ng mga military. Iginiit niya na ang hawak ng militar ay si Rolly Panesa na nagsimulang magtrabaho bilang security guard noong 1995.
Iginiit din ni Josie na ang kanyang kapatid ay 48-anyos pa lamang at hindi 61-anyos na siyang edad ni Mendoza.