MANILA, Philippines - Arestado sa magkahiwalay na operasyon ang dalawang kargador ng gulay at isang magsasaka na lumalagareng tulak ng droga sa Cagayan at lungsod ng Baguio, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Biyernes.
Pinangalanan ni Arturo Cacdac Jr., hepe ng PDEA, ang mga suspek na sina Alex Sanidad ng Barangay Cullit, Gattaran, Cagayan; Renan Laxamana ng Fortuna Purok, Floridablanca, Pampanga; at Jimmy Ibay ng Cogcogan Km.3, Pico, La Trinidad, Benguet.
Nasakote si Sanidad sa ginawang buy-bust operation nitong Miyerkules sa Baranggay Callao, Lasam, Cagayan matapos pagbentahan ng shabu ang nagpanggap na buyer na tauhan ng PDEA.
Nabawi mula kay Sanidad ang P500 marked money, cellphone, at isang motorsiklong pinaniniwalaang ginagamit sa transaksyon ng ilegal na droga.
Sa araw na rin na iyon nadakip ng PDEA-Cordillera Autonomous Region sa harap ng Hotel Supreme, Happy Homes, lungsod ng Baguio sina Laxamana at Ibay.
Nakumpiska sa dalawang suspek ang apat na pirasong bloke ng pinatuyong marijuana na may timbang na 3.2 kilo na aabot sa P80,000 ang halaga at apat na P1,000 papel na ginamit bilang marked-money.