MANILA, Philippines – Arestado ang isang nagpanggap na traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority ngayong Miyerkules sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Maynila.
Pinara umano ni Marcelino Trias, 51, ang isang Toyota Land Cruiser na patungong west bound ng Roxas Boulevard sa kanto ng kalye ng Kalaw kaninang umaga.
Sakto namang namataan ng traffic constables na sina Jason Edroso at Efren Ruzon Jr., kapwa miyembro ng MMDA E-wheels Patrol na nakatalaga sa lugar, si Trias.
Nilapitan nina Edroso at Ruzon si Trias ngunit kumaripas ito ng takbo nang makita ang dalawang traffic constables.
Matapos ang maiksing habulan, nadakip si Trias ng mga tauhan ng MMDA at dinala sa kanilang punong himpilan.
Nahuli si Trias na suot ang lumang unipormeng Type A ng MMDA at nakuhanan din siya ng pekeng traffic violation receipts at iba’t ibang lisensya na gagamitin bilang ebidensya laban sa kanya.
"What he did was illegal. It is unfair to the honest and dedicated enforcers, because his misrepresentation is tainting the very reputation of the entire agency," pahayag ni MMDA chairman Francis Tolentino.
Mula noong Disyembre ay nakakatanggap na ng reklamo ang MMDA tungkol sa traffic enforcer na umano’y nangingikil ng pera mula sa mga motorista sa Roxas Boulevard.
Samantala, naglabas naman ng resolusyon ang Pasay City Prosecutor’s Office na inirerekomenda ang pagsasampa ng Usurpation of authority charge laban kay Edwin Vicentino.
Hinuli si Vicentino noong Nobyembre matapos nitong magpanggap na traffic enforcer ng MMDA nang parahin niya ang sasakyan ni Tolentino sa kanto ng Buendia Avenue at Roxas Boulevard.
"We will continue to go after individuals who maliciously present themselves as employees of MMDA. I ask the public to help us police our ranks by reporting suspicious acts or arrogant behavior by any of our personnel," sabi ni Tolentino.