MANILA, Philippines - Inihayag ng Philippine National Police (PNP) ngayong Miyerkules na aktibo na ang bagong buo nitong grupo na Anti-Cybercrime Group (ACG).
Ayon sa PNP, binuo ang ACG alinsunod sa mandato ng Chapter IV, Enforcement at Implementation, Section 10 ng Cybercrime Prevention Act.
Pangunahing trabaho ng ACG ang pagpapatupad ng naturang batas at pagpapaigting ng kampanya ng gobyerno laban sa cybercrime.
Ang PNP-ACG ay parte rin ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center, isang inter-agency body sa ilalim ng Opisina ng Pangulo, para sa paggawa at pagpapatupad ng patakaran ng national cyber security plan.
Tutukan ng PNP-ACG ang mga cybercrime offenses, computer-related offenses at iba pang content-related offenses tulad ng cybersex, child pornography, unsolicited commercial communication, at iba pang katulad na kasalanan.
Binuo ng PNP ang ACG sa kabila ng inilabas ng Korte Suprema na "indefinite" na temporary restraining order (TRO) sa naturang batas.
Pinirmahan ni Pangulong Aquino ang naturang batas noong Setyembre 2011, ngunit agad na naglabas ang hukuman ng 120-day TRO noong Oktubre.
Dinugtungan ng korte ang palugit at nag-isyu ng "indefinite" na TRO.