MANILA, Philippines – Sugatan ang isang hinihinalang tulak ng droga matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod ng Dagupan sa Pangasinan nitong Miyerkules.
Binentahan ng suspek na si Ibrahim Ampuan alyas Itlog Ampuan ang undercover agent ng PDEA ng dalawang pakete ng shabu bandang madaling araw noong Marso 6.
Matapos makuha ang pera, napansin ni Ampuan na huhulihin siya ng mga awtoridad nang mapansin na may humahabol sa kanya.
Sinabi ng tagapagsalita ng PDEA-Region 1 na si Bismark Bengwayan pinaputukan ni Ampuan ang mga humahabol na mga operatiba.
Pinaputukan din ng mga tauhan ng PDEA si Ampuan, na natamaan, pero nagawa pang makatakas ng suspek sakay ng motorsiklo.
Pero natunton at nadakip pa rin ng mga awtoridad si Ampuan sa Pangasinan Medical Center kung saan ito nagpagamot ng natamong pinsala sa barilan.
Sinabi ni Bengwayan na naaresto na noon si Ampuan sa isinagawang raid sa isang drug den sa barangay Bonuan Bincol, Dagupan, ngunit pinalaya din dahil sa legal technicalities