MANILA, Philippines - Iniutos na ni Pangulong Benigno Aquino III na kasuhan na ang mga pulis at sundalo na sangkot sa pagpaslang ng 13 katao sa Atimonan, Quezon noong Enero 6.
Kasabay ng naturang utos ay ang deklarasyon ng Malakanyang ngayong Miyerkules na rubout o walang naganap na shootout sa pagitan ng mga pulis at 13 katao, kabilang ang isang opisyal ng pulisya at pinaghihinalaang jueteng lord na si Vic Siman.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inayunan ni Pangulong Aquino ang resulta ng imbestigasyon at rekomendasyon ng National Bureau of Investigation
hinggil sa insidente.
"Ultimately the NBI probe reached the conclusion that no shootout occurred, thus validating the initial results of the PNP fact-finding committee. The probe findings also showed that the victims were summarily executed and all indications point to a rubout," pahayag ni Valte sa isang pulong-balitaan sa Malakanyang.
Kabilang sa mga inirekomendang kasuhan ay sina dating Calabarzon police director James Melad, Superintendent Hansel Marantan, Inspector John Paulo Caracedo at Senior Police Officer 1 Arturo Sarmiento.
Si Marantan, intelligence officer na nasugatan umano sa palitan ng putok, ang tumayong namuno sa naturang operasyon.