Masamang panahon sa metro maghapon

MANILA, Philippines – Inaasahang patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon hanggang Biyernes ng hapon dahil sa masamang panahon na dala ng hanging amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA).

Sa inilabas na "heavy rainfall" advisory ng PAGASA bandang 11 ng umaga sinabi ng PAGASA na makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Bantas, Rizal, Quezon, Bulacan, Pampanga, Bataan at Zambales hanggang sa hapon.

Idinagdag ng PAGASA na uulanin din ang Nueva Ecija at Tarlac.

Nauna nang sinabi ni PAGASA weather forecaster Adzar Aurelio na ang hanging amihan ang dahilan ng masamang panahon sa Luzon.

Nagbabala rin ang PAGASA na dapat maging alerto ang mga taong nakatira sa mababang lugar at tabing ilog dahil sa posibilidad ng pagkakaroon ng flash flood.

Samantala, sinuspinde ng ilang lokal na pamahalaan at pamunuan ng mga pribadong paaralan ang mga klase sa Metro Manila dahil sa masamang panahon.

Kabilang sa mga ito ang:

  • Quezon City - panghapon na klase sa pampublikong elementarya at high school
  • Parañaque City - lahat ng antas
  • Maynila - lahat ng antas sa mga paaralan na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan
  • Pasay City - pre-school hanggang high school sa pampubliko at pribadong paaralan
  • Taytay, Rizal - elementarya sa pampubliko at pribadong paaralan
  • University of Santo Tomas - lahat ng antas
  • Lyceum of the Philippines University Manila - lahat ng antas
  • St. Scholastica's College Manila - lahat ng antas
  • San Sebastian College of Law
  • San Beda College - lahat ng antas
  • Arellano University main campus -  lahat ng antas
  • St. Paul University Manila - panghapon na klase

Adamson University - panghapon na klase

Show comments