Pamimigay ng PhilHealth cards pinaiimbestigahan

MANILA, Philippines – Umapela ang ilang militanteng grupo sa Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang umano’y paggamit ng Philhealth cards ni Pangulong Benigno Aquino III sa pangangampanya ng Liberal Party upang maaakit ang mga botante na iboto ang mga senatorial candidates nito.

Sa liham na naka-address kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., iginiit ng Anakpawis partylist, Pamalakaya  at Unyon ng Mga Manggagawa sa Agrikultura na obligasyon ng poll body na pagbigyan ang kahilingan nila na imbestigahan ang umano'y pamumudmod ng PhilHealth cards sa mga campaign sorties ng Liberal Party.

Inamin ng tatlong grupo na walang masama sa pamumudmod ng PhilHealth cards, ngunit iginiit ng mga ito na hindi dapat sa panahon ng eleksyon gawin ang pamimigay ng mga health cards.

Sinabi ng grupo na ayon sa mga ulat nga media noong Pebrero 14, namigay ng PhilHealth cards at bigas ang mga opisyal ng lokal na gobyerno ng Bohol na pawang kaalyado ng Pangulong Aquino sa partido Liberal.

Sinabi pa ng grupo na naganap ang pamumudmod ng mga cards may 200 metro ang layo sa motorcade ng senatorial candidates ng United Nationalist Alliance (UNA) sa naturang probinsya.

Ang UNA ang natatanging malaking koalisyon na katapat ng Liberal party sa darating na halalan.

Sinabi ng mga grupo na hindi ito ang unang pagkakataon na napaulat na namigay ng PhilHealth cards ang partido ng administrasyon.

Ayon sa kanila, ilang araw bago magsimula ang kampanyahan ng mga national candidates ay pinangunahan ni Pangulong Aquino ang pamimigay ng Philhealth cards sa lugar na nasasakupan ng Moro Islamic Liberation Front.

"The act is deemed an invitation to the Moro community to vote for the senatorial candidates of LP in the May 2013 elections," sabi ng mga grupo.

Show comments