MANILA, Philippines - Inunahan ni NBN-ZTE whistleblower Rodolfo "Jun" Lozada Jr. ang nakatakdang pag-aresto sa kanya ng mga pulis at sumuko na sa punong himpilan ng Philippine National Police sa Camp Crame, Quezon City ngayong Lunes ng umaga.
Sinamahan si Lozada ng mga miyembro ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) sa kanyang pagsuko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP sa Camp Crame bandang alas-7 ng umaga.
Kaagad namang isinailalim sa booking procedures si Lozada sa CIDG.
Ayon kay AMRSP Executive Secretary Father Marlon Lacal maglalagak ang kanilang grupo ng piyansa sa Sandiganbayan para sa pansamantalang kalayaan ni Lozada.
Nauna nang sinabi ng mga pulis na aarestuhin nila si Lozada ngayong Lunes.
Muling nagpasailalim sa pangangalaga ng AMRSP, isang samahan ng mga madre, si Lozada matapos iutos ng Sandiganbayan ang pag-aresto sa kanya kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kanya ng Office of the Ombudsman.
Ang naturang kaso ay kaugnay sa umano'y pagbibigay ni Lozada ng leasehold rights grant sa kanyang kapatid at isang pribadong kumpanya na konektado sa kanyang asawa nang siya pa ang presidente at chief executive officer ng Philippine Forest Corp. noong 2009.
Bukod kay Lozada, iniutos din ng Sandiganbayan ang pag-aresto sa kanyang kapatid.
Noong nakalipas na linggo, inihayag ni Lacal na apat na armadong lalaking nagpakilala bilang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagtungo sa tirahan ni Lozada.
Tinakot umano ng mga nagpakilalang ahente ng NBI ang mga kasambahay ni Lozada na aarestuhin sila kapag hindi tinukoy ang kinaroroonan ng kanilang amo.
Sinabi ni Lacal na nang i-text niya si Justice Secretary Leila de Lima hinggil sa pagbisita ng apat na lalaki, ay agad itinanggi ng kalihim na tauhan ng NBI ang mga naging bisita ni Lozada.
Sa mga panayam sa media, naglabas ng sama ng loob si Lozada sa pamahalaan dahil sa parang pagbalewala sa kanyang sakrispisyo nang isiwalat niya ang katiwalian sa $329-milyon na national broadband network deal ng gobyerno sa ZTE Corp. ng China noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Idinawit ni Lozada sa kontrobersyal ng kontrata si dating Comelec chairman Benjamin Abalos Jr. at ang dating pangulo, kasama sina dating NEDA chief Romulo Neri at dating unang ginoo na si Mike Arroyo.