MANILA, Philippines – Naipasa na ng Senado ngayong Martes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Centenarians Act na naglalayong bigyan ng insentibo ang mga Filipino na aabot sa edad na 100.
Nauna nang naipasa sa House of Representatives ang kaakibat ng naturang panukala noong Marso pa ng nakaraang taon.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng P100,000 ang Pinoy sa kanyang ika-100 kaarawan. Bukod sa pera, makakatanggap din sila ng opisyal na dokumento ng pagkilala mula sa Pangulo ng Pilipinas.
Layong amyendahan ng panukala ang Section 4 ng Republic Act 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2003.