3 bagitong pulis sibak

 

MANILA, Philippines – Tatlong baguhang pulis ang kaagad nasibak sa puwesto matapos sampahan ng mga kasong administratibo at kriminal, ayon sa National Capital Region Police Office ngayong Martes.

Inaprubahan ni Director Leonardo Espina, hepe ng NCRPO, ang pagsibak kina Police Officer 1 Jason Tiamson at Police Officer 1 Tristan Mariz Gutierrez dahil sa robbery extortion at Police Officer 1 Ablason Gabriente na nahaharap sa kasong infidelity in the custody of prisoner.

Nag-ugat ang kaso nina Tiamson at Gutierrez sa reklamo ni Kim Byung Woo noong Hunyo 19, 2012 nang umano'y pasukin ng dalawang pulis ang bahay niya at naghanap ng business permit.

Nang walang maipakitang business license, hiningan umano ng dalawang pulis si Woo ng P20,000.

Tanging P6,000 lamang ang pera noon ni Woo kaya naman pinuwersa pa umano siya ng mga pulis na mag-withdraw sa bangko upang makumpleto ang bayad.

Matapos maibigay ni Woo ang pera, hindi nakuntento ang dalawang pulis at bumalik pa sa bahay ng biktima saka kinuha ang Olympus na camera at mamahaling sunglasses niya.

Samantala, nautusang bantayan ni Gabriente ang hinihinalang magnanakaw na si Jenny Lazaro noong Abril 26, 2009 pero kinabukasan ay nakatakas ang preso.

Ibinaba naman ang isang Senior Police Officer 2 sa mas mababang pwesto, habang anim na pulis pa ang suspendido dahil sa kasong administratibo.

Ang anim na pulis ay sina SPO2 Rolando Cartalla (falsification of public documents), PO3 Sancho Dichoson Jr. (paglabag sa Republic Act No. 9262 o violence against women and their children), at PO1 Ryan King Gonzalez, PO2 Edgardo Taguiam, PO1 Alejo Donguya, PO2 Amado Pangilinan dahil sa pag absent-without-official-leave o AWOL. – (Dennis Carcamo)

Show comments