MANILA, Philippines – Inaasahang 22 Pinoy ang uuwi mula sa Syria, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Inaasahang lalapag ang sasakyang eroplano ng mga Pinoy sa Ninoy Aquino International Airport Terminal I bandang 10:15 ng gabi.
Ang naturang batch ang unang uuwi ngayong taon mula sa Syria.
Bumiyahe ang mga pauuwiin patungong Beirut’s Rafic Hariri International Airport kung saan sila sumakay ng Qatar Airways flight QR 423 patungong Doha saka muli sumakay ng biyaheng QR 644 pabalik ng Pilipinas.
Sa pagdating ng naturang batch, aabot na sa 3,310 na Pinoy ang nakakauwi ng bansa galing Syria.
Iginiit ng kagawaran sa mga Pinoy na nasa Syria pa na magpasailalim na sa Mandatory Repatriation Program dahil sa patuloy na pagsama ng lagay ng ng seguridad sa bansa.
Sinabi ng DFA na maaring tumawag ang mga Pinoy na nasa Syria sa embahada upang humingi ng tulong sa numerong 963-11-6132626.
Ang mga kamag-anak ng mga Pinoy sa Syria ay maaari ring magbigay ng impormasyon sa DFA tungkol sa tinutuluyan nila sa pagtawag sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) sa numerong (02) 834-4996 o sa DFA Action Center (02) 834-3333.