MANILA, Philippines - Inaprubahan na ng Kongreso sa pangatlo at huling pagbasa ang panukalang nagbibigay ng permiso sa People’s Television Network o PTV-4 na kumita sa pamamagitan ng advertisement at pagbebenta ng airtime upang masuportahan ang mga gastusin ng istasyon.
Layunin ng consolidated House Bill 6703 na inihayin nina Leyte Rep. Lucy Marie Torres-Gomez at Quirino Rep. Dakila Carlo Cua na palakasin ang kakayahan ng istasyon.
Sakaling maipasa bilang batas ang naturang panukala, maaari nang kumuha ng advertisers ang PTV-4 upang masuportahan ang operasyon nito at maipaayos ang mga luma na nitong mga kagamitan.
“We all know that government does not have the luxury of public revenues. We must find ways to fund its operations,” ani Torres-Gomez.
Layunin ng panukala na baliktarin ang kasalukuyang tuntunin na sinusunod ng PTV-4 na nagbabawal sa government network na mangalap ng pondo sa pamamagitan ng advertisements at pagbebenta ng airtime.
Isa ang panukala sa 13 priority measures na inilatag ng Pangulo sa pinakabagong pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Palasyo.