MANILA, Philippines - Nabawi na ng mga awtorirdad ang isang anim-taong-gulang na lalaking anak ng isang negosyante mula sa kanyang mga kidnaper sa Zamboanga del Sur nitong araw ng Linggo.
Ayon kay Chief Superintendent Napoleon Estilles, director ng Zamboanga Peninsula regional police office, naaresto rin ng mga awtoridad ang apat sa mga dumukot sa bata na anak ng isang negosyante sa Barangay San Jose sa bayan ng Aurora.
Dalawa sa mga naaresto suspek ang nakilalang sina Amran Maruhom Pulao, 24, at Aiman Maruhom Ampatua, 39, kapwa residente ng Barangay Kirapan, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.
Ayon kay Estilles, kasama ng bata ang kanyang ina at sakay sila ng isang motorsiklo nang harangin ng isang grupo ng mga lalaki bandang 7:30 ng umaga noong Linggo.
Naniniwala si Senior Superintendent Romeo Uy, hepe ng Zamboanga del Sur provincial police office, na ang ina ng bata ang talagang pakay na dukutin ng mga suspek.
Hinataw ng isa sa mga suspek ang ina gamit ang kanyang baril, ngunit nagawa pa rin nitong makatakas ang iwanan ang kanyang anak.
Agad isinakay ng mga suspek ang bata sa isang van at sumibad patungong bayan ng Sultan Naga Dimaporo.
Dahil sa agarang pagsusumbong sa pulisya at militar ng insidente, agad na nakapagsagawa ng rescue operation at tatlong oras matapos ang insidente ay naaresto sina PUlao at Ampatua.
Mabilis ding naaresto ang dalawa pang suspek.
Ayon sa pulisya, may kaugnayan sa negosyo ang naganap na pagdukot sa bata.