MANILA, Philippines - Nagdulot ng takot sa mga pasahero ng Light Rail Transit 1 ang naamoy na usok sa loob ng sinasakyan nilang tren sa Carriedo Station sa Maynila ngayong Huwebes ng umaga.
Sinabi ng tagapagsalita ng LRT Authority na si Hernando Cabrera, isang pasahero ang nagpagana ng emergency break at nagbukas ng emergency door dahilan ng pagkakagulo ng mga tao papalabas ng tren.
Dagdag pa ni Cabrera, posibleng nag-overheat ang tren na nagmula sa Roosevelt station patungong Baclaran station.
Sinabi pa ng tagapagsalita ng LRT1 na nakahimpil na ang umusok na tren sa Central Station malapit sa Manila City Hall at naibalik na sa normal ang operasyon.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.