4 tiklo matapos mangikil sa NGCP

MANILA, Philippines – Tiklo ang mag-asawang Moro at dalawa nilang kasamahan matapos tangkaing mangikil ng P15 milyon mula sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) sa Kabacan, North Cotabato noong Lunes.

Nadakip ng mga pulis sa magkahiwalay na entrapment operations ang mga suspek na mag-asawang Omar Lantong at Myria at mga kasamahan nilang sina Jordan Sumagka at Mila Mangelen Moreno.

Nasakote ang mag-asawa nang kunin nila sa isang local forwarding firm ang pakete na akala nila’y naglalaman ng P15 milyon mula sa NGCP.

Sinabi ng hepe ng Kabacan municipal police na si Superintendent Leo Ajero na pinagmukha nilang galing sa NGCP ang pakete.

Inamin ni Lantong at mga kasabwat niya na nagpadala sila ng mga mensahe sa ilang opisyal ng NGCP at tinatakot na sisirain ang mga kagamitan sa opisina kung hindi magpapadala ng pera.

Ayon kay Ajero, inginuso ng mga suspek ang kanilang umano'y utak na si Arsenio Gulam na kilala sa tawag na Commander Sandoval.

Si Gulam ay nahaharap na sa patung-patong na kaso tulad ng multiple murder, drug trafficking at pagnanakaw.

Dagdag ni Ajero, inaresto ng mga nakasibilyang pulis ang mag-asawa matapos nilang pirmahan ang acknowledgement receipt para sa pakete na inakala nilang may lamang pera.

Nasampahan na ng mga kaso ang apat na suspek. John Unson

Show comments