Lincoln nangunguna sa nominasyon sa Golden Globe, Bwakaw inisnab!

Nangunguna ang pelikulang Lincoln sa nominations ng 2013 Golden Globe Awards. Nakakuha ito ng seven nominations including best drama, best director (Steven Spielberg), best actor (Daniel Day-Lewis), at best screenplay.

Ang Lincoln ay tungkol sa buhay ng dating US president na si Abraham Lincoln.

Nakakuha naman ng tig-limang nominasyon ang pelikulang Django Unchained ni Quentin Tarantino at Argo ni Ben Affleck.

Four nominations naman ang nakuha ng Zero Dark Thirty, Les Miserables, at Silver Linings Playbook.

May surprise nominations kay Nicole Kidman para sa The Paperboy bilang best supporting actress at kina John Hawkes at Helen Hunt para sa The Sessions sa best actor at best supporting actress category.

Na-nominate rin si Adele for best original song para sa theme song ng James Bond movie na Skyfall.

Hindi na nakapasok sa nominasyon na best foreign language film ang Philippine entry na Bwakaw na pinagbidahan ni Eddie Garcia. Ang nominees ay Amour (France), The Intouchables (France), Kon-Tiki (Norway), A Royal Affair (Denmark), at Rust & Bones (France-Belgium).

Ang tatanggap ng Cecil B. DeMille Award sa taong ito ay si Jodie Foster.

John lapus balik sa pinagmulang lungga

Kinumpirma na ni John “Sweet” Lapus na babalik na siya sa bakuran ng ABS-CBN pagkatapos ng anim na taon. Ang gagawing show ng comedian-TV host ay ang Kahit Konting Pagtingin na pagbibidahan ni Angeline Quinto.

Matagal nang walang regular show si Sweet sa GMA 7 pagkatapos ng drama series na Makapiling Kang Muli noong September at ang showbiz talk show na Showbiz Central noong July naman. In short ay jobless siya ng ilang buwan.

Inamin naman ni Sweet na naghintay naman siya ng magiging offer ng Kapuso Network kaya puro guestings lang ang kanyang mga ginagawa.

“Alam naman ng marami na naging loyal ako sa GMA 7 for six years. Masaya akong naging Kapuso. Pero kung wala nga silang mabigay sa akin, kailangan ko ring maghanap ng pagkakakitaan.

 “Alam n’yo naman na marami tayong bayarin, lalo na ang bahay ko na two years pa lang noong mabili ko. Isama na natin ang iba’t ibang gastusin araw-araw.

 “Kailangan ko lang na magkaroon ng pagkakakitaan ng regular. Maiintindihan naman siguro ng marami iyon,” pahayag ni Sweet sa press conference ng pelikulang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at si Ako kamakailan.

Lumipat si Sweet sa GMA 7 nung 2006 nang kunin siyang maging isa sa mga host ng S-Files.

Nung mga panahon namang iyon ay wala siyang trabaho sa Dos.

 “Parang naulit lang. This time wala akong regular show sa Siyete. Nataon na may offer ang Dos. Original family ko naman ang Dos kasi diyan ako unang nakilala. Mula production ay naging talent ako hanggang sa ma-ging TV host ako. Kaya kung bumalik man ako, parang bumabalik lang ako sa dati kong tahanan,” rason pa niya.

Hindi naman nasira ang relasyon ni Sweet sa mga nakatrabaho niya sa Dos kahit na nasa Siyete siya.

 “Kung sino naman ang friends ko noon, sila pa rin. Nagkikita kami paminsan-minsan ng mga friends ko sa Dos lalo na kapag may special occasions. Sumusuporta sila sa akin kapag may mga shows ako,” sabi ng gay comedian.

Makakasama ni Sweet sa Kahit Konting Pagtingin sina Paulo Avelino, Sam Milby, Bangs Garcia, Mylene Dizon, at James Blanco.

AA winners makikipag-aktingan na sa mga dekalibre

Makakasama na ang mga tinanghal na Artista Academy winners na sina Sophie Albert at Vin Abrenica sa malaking  romantic drama series na Never Say Goodbye ng TV5.

Sa 2013 na ito ilo-launch at makakasama ng dalawa ang mga dekalibreng artistang sina Cesar Montano, Gardo Versoza, Alice Dixson, at Nora Aunor.

Makakasama rin nila sa Never Say Goodbye ang mga naging finalist sa Artista Academy na sina Benjo Leoncio, Brent Manzano, Chris Leonard, at Malak So Shdifat.

Inamin ni Vin na close na sila ni Sophie kaya hindi sila mahihirapan sa mga romantic scene nila sa series.

 

Show comments