NANDIYAN na si Sarah, Parekoy! Humanda ka na sa pakikipagharap sa kanya,” sabi ni Ping kay Lino.
“Handa na ako Parekoy.’’
“Okey! Mapapalaban na si Sarah.’’
Narinig nila ang pagpasok ni Sarah sa gate. Ang kapatid na babae marahil ni Ping ang nagpapasok kay Sarah.
Maya-maya pa, narinig nila ang yabag na papalapit sa kanila.
Si Sarah, may dalang meryenda na nakalagay sa malaking tasa. Nagulat si Sarah sapagkat hindi akalaing naroon si Lino.
“Tamang-tama ang pagpunta mo Sarah, narito ang kaibigan kong si Lino at sabi niya, handa ka na raw niyang ligawan.’’
Namula ang pisngi ni Sarah. Si Lino naman ay relaks lang.
“Tamang-tama na makakatikim si Parekoy ng luto mo. Ano ba ‘yang dala mong meryenda, Sarah.’’
“Pinaltok.’’
“Aba masarap yan!” Sabi ni Ping at binalingan si Lino. “E Parekoy kumakain ka ba ng pinaltok?’’
“Oo naman. Ginataang bilo-bilo yan sa Maynila.’’
“O kita mo, Sarah, at handa nang kumain si Parekoy.’’
“Baka naman napipilitan lang si Parekoy, Kuya!”
“Hindi! Tunay ang sinasabi niya, Sarah. Halika nga rito sa tabi ni Parekoy para magkatitigan kayo.’’
“Baka matunaw ako sa tingin ni Parekoy, Kuya.’’
“Hindi. Basta mag-usap kayo at kukuha lang ako ng lalagyan ng pinaltok para makakain si Parekoy ng luto mo.”
Tumayo si Ping.
Malakas na nga ang loob ni Lino sapagkat kinausap niya Sarah.
“Kumusta ka Sarah?’’
“Mabuti naman Parekoy.’’
“May pasalubong ako sa’yo. Sana magustuhan mo.’’
“Nag-abala ka pa, Parekoy, kahit naman wala kang pasalubong, sasagutin kita.’’
Napalunok si Lino. Eto na ang hinihintay niya.
“E paano ngayong may ibibigay ako e di sobra-sobra pa ang pagsagot mo,” sabi niya.
“Oo. Baka yayain na kitang pakasal bukas.’’
“Talaga Sarah?’’
“Oo. Kung gusto mo.’’
(Itutuloy)