EKSAKTONG isang linggo makaraang mahuli ang riding-in-tandem na papatay kay Krema, may nabasa sa diyaryo sina Krema at Lex. DRUG QUEEN, PINATAY SA BILANGGUAN. Si Dang ang sinasabi sa balita.
“Krema, basahin mo ito!’’
Binasa ni Krema.
“Si Dang ito. Napatay ng kapwa niya bilanggo! Inabangan daw habang palabas sa banyo at sinaksak. Kalaban daw sa loob. Pero sabi sa police report, ipinapatay ng kalabang sindikato ng droga.’’
“Nagbayad din siya. Mga kapwa rin niya sindikato ang tumapos sa kanya. Wala na tayong ikakatakot ngayon, Krema. Patay na ang nagtatangka sa atin.’’
“Oo nga Lex. Maski bumalik na tayo sa Villareal, wala na tayong aalalahanin na may banta sa buhay natin dun. Sa totoo lang mula nang madiskubre natin na buhay pa pala at balak gumanti ni Dang, nagdadalawang-isip ako kung babalik pa sa Villareal. Parang natakot ako Lex.’’
“Ngayon ay wala nang magbabanta. Talagang nanahimik na ang kalaban natin.’’
“Dapat iayos na natin ang petsa ng kasal. Ayaw ko nang mapagpaliban ito Lex. Masama yata ang pabagu-bagong petsa ng kasal.’’
“May dahilan naman kaya ganun.’’
“Sabagay.’’
Isinaayos nila ang petsa. Sure na sure na. Pinadala na ang lahat nang imbitasyon. Hindi nila kinalimutan si Col. Jack Valdez na malaki ang naging papel para mahuli ang riding-in-tandem.
Sunod na linggo, idinaos na ang marangya nilang kasal.
Hindi makapaniwala si Krema na naglalakad na siya patungong altar at naka-trahe de boda. Parang nasa ulap siya sa matinding kasiyahan.
Naghihintay na sa kanya sa may altar ng simbahan si Lex. Sa wakas, pag-iisahin na rin sila.
(Tatapusin na bukas)