Tres Queridas (65)

LANGITNGIT ng kinakalawang na bisagra ang umalingawngaw mula sa speaker habang tuluyang bumukas ang bakal na pinto sa likod ng Royale Express Remittance & Pawnshop.

Isang anino ang lu­mabas mula sa madilim na loob ng gusali patungo sa makipot na eskinita. Nakasuot ang lalaki ng kupas na asul na polo, nakayuko ang ulo sa ilalim ng itim na sumbrero, at mahigpit na yakap sa dibdib ang isang makapal at mabigat na itim na duffel bag.

“Ayan na,” bulong ni Diana habang mabilis na pinipihit ang zoom control ng telephoto lens. “Nasa kanya na ang bag.”

Sa monitor, unti-unting lumilinaw ang pigura habang naglalakad ito nang mabilis patungo sa gitna ng eskinita. Huminto ang lalaki sa tapat ng tambakan ng mga kahon, lumingon sa kaliwa’t kanan upang tiyaking walang nakasunod sa kanya, at sa mismong segundong iyon, tumama ang sikat ng araw sa ilalim ng kanyang sumbrero, direkta sa mukha.

Nanigas si Celeste sa harap ng mesa. Tila nawalan ng hangin ang buong kuwarto.

“Hindi...” halos walang tunog na lumabas sa mga labi ni Celeste, nanlalaki ang mga mata habang nakatitig sa 4K live feed. “Imposible.”

Napalingon si Diana kay Celeste, bago ibinalik ang tingin sa monitor. “Kilala mo siya?”

“Si Arthur,” bulong ni Celeste, nanginginig ang boses hindi sa takot kundi sa biglaang pagragasa ng matinding galit.”Executive aide ni Dad. Mahigit sampung taon na siyang nagtatrabaho sa mansiyon. Siya ang nag-a­ayos ng mga dokumento sa study room... at siya rin ang laging naghahatid ng tubig at gamot ni Dad tuwing umaga.”

Sa isang iglap, parang mga piraso ng basag na salamin na nagdikit-dikit sa isip nina Celeste at Diana ang buong katotohanan.

Hindi nagpadala ng estranghero si Carlo para pasukin ang mahigpit na seguridad ng mansiyon. Kasabwat niya ang taong nasa loob mismo, ang taong pinagkakatiwalaan ng ama ni Celeste nang walang pag-aalinlangan. Kaya pala nakalusot ang lason sa baso ng tubig sa study room. Kaya pala wala si Arthur sa ospital nang tumawag ang head of security kanina. (Itutuloy)

Show comments