Tres Queridas (62)

NAKATITIG pa rin si Celeste sa screen ng kanyang cell phone. Ang balita tungkol sa ama ay parang mabigat na batong dumagan sa dibdib, hinihila ang bawat hibla ng kanyang katinuan pabalik sa dating Celeste, ang laging takot, kinakabahan at nagpa-panic.

Nakahawak na ang nanginginig niyang kamay sa seradura ng pinto nang maramdaman niya ang mahigpit na pagpigil ni Diana sa kanyang braso.

“Celeste, sandal. Huminga ka muna, kumalma ka. Tingnan mo ako.”

“Nasa ICU si Dad, Diana,” sagot ni Celeste, namumuo ang luha sa gilid ng mga mata. “Hindi alam ng mga doktor kung anong nangyari. Kailangan kong pumunta roon!”

“At kapag lumabas ka sa pintong ‘yan ngayon mismo, anong mangyayari? Isipin mo kung sino ang kalaban natin. Kung natural man ang nangyari sa daddy mo, hindi ikaw ang doktor na magliligtas sa kanya sa ICU. Pero kung si Carlo ang may gawa nito... bakit ngayon?”

Natigilan si Celeste. Unti-unting tuma­gos sa kanyang isip ang bigat ng tanong na iyon.

“Para palabasin ka,” patuloy ni Diana habang nakatingin sa orasan sa ibaba ng laptop screen—1:27 PM. “Alam ni Carlo na kung may isang bagay na makasisira sa diskarte mo, ang buhay ng daddy mo ‘yon. Gusto niyang mag-panic ka. Gusto niyang tumakbo ka palabas sa pinagtataguan mo.”

Pinahid ni Celeste ang luha sa gilid ng mga mata gamit ang likod ng palad. Huminga siya nang malalim upang mapawi ang takot na gustong lumamon sa kanya. Sa loob ng ilang segundo, unti-unting nagbago ang tindig ng kanyang mga balikat.

“Alamin natin,” sabi ni Celeste.

Bumalik siya sa mesa, dinampot ang cell phone na pangkontak kay Jack. Pinindot niya ang spea­kerphone sa gitna ng naka­bi­binging katahimikan ng kuwarto. Dalawang ring lang ang lumipas bago sumagot si Jack sa kabilang linya. “Ma’am Celeste?”

“Jack, nakatingin ka ba sa labas ng gate ngayon?” walang paliguy-ligoy na tanong ni Celeste. “Anong ginagawa ng dala­wang itim na sedan sa kanto?”

Sandaling natahimik ang kabilang linya. Narinig nila ang kaluskos ng kurtina habang­ sumisilip si Jack mula sa loob ng pekeng safe house.

(Itutuloy)

Show comments