HINDI na kinaya ni Lani ang bigat ng tensiyon. Tuluyang bumigay ang kanyang mga tuhod at napaupo siya sa sahig, humahagulgol. Mabilis siyang inalalayan ni Diana ngunit patuloy lang ito sa pag-iyak.
“A-Ate Diana... natatakot po ako...” umiiyak na umamin si Lani. “Pumunta siya rito madaling-araw na. Sugatan ang braso at kamay niya. Binigyan niya ako ng pera at pinag-impake niya ako...”
Nagkatinginan sina Diana at Celeste, parehong tumigil ang paghinga.
“Inutusan niya akong makipagkita sa kanya,” patuloy ni Lani sa pagitan ng mga hikbi. “Babalikan niya raw po ako mamayang gabi... para tumakas na kaming dalawa nang malayo.”
“Pwes, hindi kami aalis dito hangga’t hindi siya ko siya nakikita.”
Umiling si Lani habang patuloy na tumutulo ang kaniyang luha. “Hindi po siya rito pupunta. Sa terminal ng bus papuntang probinsiya kami magkikita... alas-onse mamayang gabi.”
Alas-diyes y media pa lang ay nakaparada na ang itim at heavily-tinted na SUV ni Celeste sa gilid ng maingay at mausok na terminal ng provincial bus. Amoy krudo ang hangin, sabay sa ingay ng mga bus na nagpapaandar ng makina. Sa labas, nakaupo si Lani sa isang hilera ng mga bakal na upuan sa waiting area. Mahigpit niyang yakap ang duffel bag na pinaglagyan ng mga damit, halatang nanginginig ang kaniyang mga balikat.
Sa loob ng sasakyan, nakatutok ang mga mata nina Diana at Celeste sa bawat taong dumadaan.
“Kumalma ka lang, Lani. Kumilos ka nang normal,” pilit na pinatatahan ni Diana si Lani gamit ang earpiece na nakakonekta sa wireless earphone na pinasuot nila sa ilalim ng buhok nito.
Lumipas ang alas-onse. Walang Carlo na dumating. Tanging mga nagmamadaling pasahero, mga konduktor na sumisigaw ng ruta, at mga naglalalakong tindero ang nagpabalik-balik sa harap ng terminal.
Pagsapit ng alas-onse y medya, isang gusgusing batang lalaki na may sampay na basahan sa balikat ang lumapit kay Lani. Walang imik na inabot ng bata ang isang maliit na bagay bago mabilis na tumakbo palayo at nagtago sa likod ng mga tindahan. Isang lumang keypad phone. At umiilaw ito. Mabilis na bumaba sina Diana at Celeste mula sa sasakyan at patakbong lumapit kay Lani bago pa man nito masagot ang tawag. Hinablot ni Diana ang telepono at pinindot ang accept button. Inilagay niya ito sa speakerphone upang marinig nilang tatlo.
Isang mabigat na paghinga ang umalingawngaw sa kabilang linya. “Alam kong hindi mo kayang magsinungaling sa kanila, Lani,” umibabaw ang malamig ngunit napakapamilyar na boses ni Carlo. (Itutuloy)