Bisa ng special power of attorney

Dear Attorney,

Paano mawawalan ng bisa ang special power of attorney (SPA)? Ano ang mangyayari kapag paso na ang SPA ng aking ka-transaksyon? – Gerry

Dear Gerry,

Ayon sa Article 1919 ng Civil Code, may anim na paraan kung paano mawala ang tinatawag na agency o legal na kapangyarihan para kumatawan sa ibang indibidwal:

Una, sa pamamagitan ng pagbawi ng principal na siyang nagbigay ng kapangyarihan;

Ikalawa, sa pamamagitan ng pag-urong ng ahente mula sa pagiging agent sa kanyang principal;

Ikatlo, kapag ang principal o agent ay namatay, nagkakaroon ng civil interdiction o balakid sa mga karapatang sibil (kadalasan ay bunsod ito ng pagkakakulong), nawala sa tamang pag-iisip, o nalugi;

Ikaapat, sa pamamagitan ng pagkakabuwag ng firm o korporasyon na siyang nagbigay o tumanggap ng nasabing agency;

Ikalima, kapag natupad na ang layunin ng ginawang agency at

Ikaanim, kapag natapos na ang panahong ibinigay para sa agency.

Kung paso na ang SPA ng ka-transaksyon mo ay hindi na siya maituturing na isang “agent” at wala na siyang kapangyarihang itali ang taong kanyang kinakatawan sa anumang kasunduan. Madali ng itanggi ng kanyang nire-represent ang mga transaksiyon n’yo kaya hindi advisable na pumasok sa mga kasunduan sa isang tao na paso ang SPA.

Show comments