KINABUKASAN, hindi na namin hinanap ni Brent ang dalagitang magsa-sampaguita dahil ito na mismo ang lumapit sa aming kotse habang nasa trapik. May hawak itont tinuhog na mga sampaguita. Binuksan ko ang bintana at kinausap ang dalagita.
“Kakausapin kita. Dun tayo sa minimart,” sabi ko.
“Opo Mam.”
Dinala ni Brent ang kotse sa parking area ng minimart. Maya-maya pa, dumating na ang dalagita.
Pinapasok ko sa loob ng kotse.
“Ako si Mam Divina at siya ang mister kong si Sir Brent. Ikaw anong name mo?’’
“Kristina po.”
“Hindi ka namin nakita kahapon, Kristina.”
“Hindi po ako nagtinda dahil masama ang pakiramdam ko.”
“Ah kaya pala. Nung nagkita tayo kamakalawa, tinanong kita kung anong nangyari sa braso mo. Hindi mo nasagot dahil nag-green ang ilaw. Anong nangyari?”
“Hampas po ng walis ito. Pinaparusahan po ako kapag hindi nakaabot sa quota ang benta ko ng samapaguita.”
Nagimbal ako.
“Sino ang nagpaparusa?”
“Si Ate Bambi po. Siya po yung nag-recruit sa akin.”
“Nag-recruit para ano?”
“Para po magtinda ng sampaguita. Gusto ko nang tumakas pero natatakot ako. Marami po kaming ni-recruit niya. Sa isang bahay po sa Blumentritt kami nakatira. Karamihan po sa amin mga galing probinsiya.”
“May magulang ka pa?”
“Wala na po. Namatay noong pandemic.”
“Irereport namin sa DSWD at pulis ang nangyayari.”
“Salamat po Mam.”
“Maghintay ka lang.”
“Opo Mam. Pero Mam kung makakalaya ako sa sindikato ni Ate Bambi, gusto ko po sa iyo tumira. Puwede po ba iyon?”
“Puwede. Gagawin ko ang lahat para sa akin ka mapunta.”
“Salamat po sa inyo Mam Divina at Sir Brent. Gusto ko na po talagang makatakas sa kamay ni Ate Bambi. Bugbog na bugbog po ako sa walis na ginagamit niya. Baka mamatay na ako sa pahirap niya.”
“Gusto mo sumama na sa amin ngayon?’’ tanong ko.
“Opo Mam.”
Itinakas namin si Kristina. At sumunod na araw, sinalakay ang bahay ng sindikato. Nahuli si Bambi at na-rescue ang mga bata.
Si Kristina ay sa amin na tumira mula noon at pinag-aral namin. Katulad ko, nakaligtas si Kristina na matagal ding nagdusa sa hampas ng walis.