Mayang (195)

“Mula nang iburol si Encar, hindi ako umaalis sa tabi ng kabaong niya. Lagi kong sinisilip. Pumapatak ang aking luha. Iniisip ko ang mga mangyayari sa akin ngayong wala na ang aking asawa. Makaya ko kayang mabuhay ­ngayong wala na siya? Paano ko haharapin ang bawat araw ­ngayong wala na siya?

“Dahil sa pagdadalamhati ko sa pagkawala ni Encar, pati pagkain ay nakalimutan ko. Hindi naman ako nakakaramdam ng gutom. Gusto ko laging nasa tabi ng kabaong. Titindig lamang ako kapag pupunta sa banyo.

“Ang mag-asawang Raul at Lily ay alalang-alala sa akin dahil hindi ako kumakain. Sabi ni Raul, kumain daw ako kahit kaunti at baka ako naman ang magkasakit. Ganundin ang sabi ni Lily. Mahirap daw kapag ako ang nagkasakit. Kumain daw ako para magkalaman kahit kaunti ang sikmura ko.

“Naisip ko noon, mabuti pa ngang magkasakit na ako para mamatay na rin at nang magkasama na kami ni Encar. Tutal naman at wala na ring halaga sa akin ang buhay mula nang mawala ang babaing pinakamamahal ko nang labis.

“Limang araw nang nakaburol si Encar at nag-alala si Raul. ­Kailangan nang maihatid sa huling hantungan si Encar. Maayos na sinabi iyon sa akin ni Raul.

“Sabi ko puwede pa bang ipagpaliban ang paglilibing. Gusto ko pang makapiling si Encar.

“Pero sabi ni Raul, dapat ­mailibing na ang aking asawa. Masakit man, pumayag na ako.”

(Itutuloy)

Show comments