“INIUWI ko na si Encar sa aming bahay, ayon na rin sa payo ng doktor. Alam ko, ayaw lamang sabihin ng doktor sa akin, na mas mabuti pang sa bahay na lamang hintayin ang oras ni Encar. Magagastusan lamang kung mananatili sa ospital.
“Pinaglingkuran ko si Encar. Halos hindi na siya makakilos at mga mata na lamang ang umiikot. Ganunman, nakikita ko sa mga mata niya ang matinding pagkahabag sa akin dahil sa dinulot ng kanyang misteryosong sakit.
“Para bang humihingi siya ng paumanhin sa akin sa lahat ng mga dinulot bunga nang pagkakasakit.
“Sabi ko naman sa kanya, huwag niya akong intindihin. Wala siyang nagawang abala sa akin. Lahat ay gagawin ko para sa kanya. Gusto ko siyang mabuhay para magkasama kami nang matagal.
“Sabi ko sa kanya, hindi magbabago ang pag-ibig ko. Siya ang tanging babae na aking mamahalin.
“Wala siyang makakapalit sa aking puso. Hinding-hindi ako magbabago sa sinumpaang siya lamang ang mamahalin.
“Hinawakan ko nang mahigpit ang kanyang kanang kamay. Dinala ko iyon sa aking labi at saka masuyong hinagkan.
“Sa pagtataka ko, biglang nagkaroon ng lakas ang kanan niyang kamay. Humigpit ang hawak sa akin. Lumaban sa hawak ko.
“Niyakap ko siya. Hinalikan ko sa labi at pisngi. Nakita ko sa mga mata niya ang kasiyahan. Walang pagsidlang kaligayahan.
“Hanggang sa maramdaman ko na biglang lumuwag ang pagkakahawak niya sa aking palad.
“Natigilan ako. Pinagmasdan ko si Encar. Dahan-dahan nang pumipikit ang kanyang mga mata.
“Hanggang sa tuluyan nang magsara. Tumigil na ang paghinga nang pinakamamahal kong asawa!” (Itutuloy)