“HABANG nagsasalita ang mabait na doktor ukol sa kalagayan ng mahal kong asawa ay para bang walang pumapasok sa aking utak. Para bang puro hangin ang laman ng aking ulo. Hindi ko matanggap na wala nang lunas ang sakit ni Encar at naghihintay na lamang ng oras.
“Nakatitig lamang ako sa doktor subalit wala sa sinasabi niya ang aking atensiyon. Lumilipad ang isip ko. Malayung-malayo. Tumatagos sa ulap.
“Kapag nawala si Encar, paano na ako? Paano ako mabubuhay? Paano ako kakain kung wala na siya?
“Paano ako makapagtatrabaho sa bukid kung wala na ang naghahatid ng pagkain s akin kung almusal at tanghalian? Paano ako matutulog? Sino ang magsasabi sa akin na umigib ng tubig sa balon? Sino ang magsasabi sa akin na magsibak ng kahoy para mayroon siyang maigatong sa niluluto?
“Kung anu-ano pa ang aking naisip at parang nawala na ang katinuan ko sapagkat kinakausap na pala ako ng doktor at pinaliwanag ang mga natuklasang sakit kay Encar ay hindi naman ako nakikinig sapagkat lumilipad ang aking isip.
“Nagkaroon lamang ako ng wisyo nang akbayan ng doktor at tinapik-tapik sa balikat.
“Maski hindi tuwirang sinabi ng doktor na iuwi ko na si Encar sapagkat wala nang magagawa pa, iyon ang gusto niyang ipabatid.
“Para hindi na ako magastusan pa.
“Kinabukasan, iniuwi ko na si Encar sa aming bahay. Umaasa pa rin ako sa himala. Umaasa na gagaling ang mahal ko. Umaasang pakikinggan ako ng Diyos sa aking dalangin. (Itutuloy)