“TILA walang katapusan ang masasayang araw namin ni Encar. At nagpapasalamat ako sa Diyos. Sa kabila na hindi kami pinagkalooban ng anak ay masaya naman ang aming pagsasama. Kahit kailan ay hindi kami nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Lagi kaming nagbibigayan.
“Pero minsan na nagkukuwentuhan kami ni Encar, nagtaka ako nang magtanong siya. Kapag daw ba namatay siya ay mag-aasawa akong muli. Nagulat talaga ako sa tanong niya. Bakit niya naitanong yun?
“Sagot ko naman, hindi na ako mag-aasawa. Siya lang ang babae para sa akin. Tinanong ko siya kung bakit nasabi iyon. Wala raw. Basta naitanong lang niya.
“Sabi ko huwag na siyang magtatanong ng ganun dahil alam naman niyang siya lamang at wala nang iba pang babae sa aking buhay. Sabi ko pa, ilang beses ko nang sinabi iyon. Naggalit-galitan ako.
“Huwag na raw akong magalit. Hindi na mauulit. Pero yun pala ay tila pahimakas na niya nang pamamaalam sa akin. Iiwanan na pala niya ako. Wala akong kamalay-malay na mayroon siyang tinataglay na sakit. Malapit na pala niya akong iwan. Mag-iisa na pala ako.
“Una kong napansin ang panghihina ni Encar noong kami ay nasa 55-anyos na. Dati ay maaga siyang bumabangon at nagluluto ng almusal. Pero nang umagang iyon, hindi siya bumabangon. Nagtaka ako.
“Nilapitan ko siya at tinanong kung ano ang nararamdaman niya. Sagot niya, nanghihina siya. Hindi niya kaya.” (Itutuloy)