MAAGA akong nagising kinabukasan—alas singko. Kakaunti ang tulog ko. Dahil siguro sa mga pagbabagong nagaganap sa buhay ko. Isa pa, masaya ang kalooban ko na nakatakas sa kalupitan ni Tita Clemen.
Nasa kusina si Ate Marie at nagsasangag ng kanin.
“Good morning Ate Marie!” bati ko.
Lumingon si Ate Marie.
“Good morning, Divina. Ba’t aga mong nagising?”
“Hindi na po ako makatulog.”
“Ah siguro’y namamahay ka?”
“Hindi po—masaya lang dahil nakatakas na ako kay Tiya Clemen.
“A, kaya pala—‘kala ko namamahay ka.’’
“Ako na po ang magsasangag Ate.”
“Ako na—luto na ito.”
“Nasan po ang walis tambo.”
“Nandun sa likod ng pinto.’’
Tinungo ko ang likod ng pintuan. Pagkabig ko sa pinto ay may nakita ako. Napa-“ay” ako!
“O bakit Divina? Anong nakita mo?”
“A, e ito pong walis tingting!”
“Bakit?”
“Naalala ko po kasi na ito ang pinanghahampas sa akin ni Tiya Clemen—hindi ko napigil ang sarili.”
“A talagang may epekto na sa iyo ang ginagawa ng tiyahin mo. Dapat lang talaga na makatakas ka na sa kalupitan niya.’’
“Tinatanaw ko pong malaking utang na loob sa inyo ni Ate Lydia ang pagkaka-rescue sa akin.’’
“Dito walang aapi sa iyo—walang puwang ang pang-aapi rito, Divina.”
“Salamat po uli Ate Marie.”
Maya-maya dumating na si Ate Lydia.
“Mula ngayon, dito ka na titira sa bahay ni Marie, Divina. Mabuting tao ‘yan. Sagot ko naman pagkokolehiyo mo.”
Napaiyak ako. Pagkatapos ay niyakap ko sina Ate Lydia at Ate Marie. (Itutuloy)