BABARILIN ni Henry si Mayang nang biglang may umalingawngaw na putok. Dalawang beses.
Pagkatapos ay parang naupos na kandila si Henry. Unti-unting bumagsak. Dumadaloy ang dugo sa ulo nito.
May bumaril pala rito. Galing sa labas.
Natigilan si Puri nang makita ang pagbagsak ni Henry. Nasa mukha ang pagkabigla.
Sinamantala ni Mayang ang pagkakataon. Biglang inagaw ang baril na hawak ni Puri.
Nang maagaw, itinutok ito kay Puri.
“Napakasama mo Puri! Akala ko, mabuti kang kaibigan. Pati ang anak ko papatayin mo. Wala naman kaming kasalanan sa’yo. Bakit Puri?’’
Hindi sumagot si Puri. Parang wala na itong naririnig. Parang wala na sa sarili.
“Ang akala ko mabuti kang kaibigan. Maganda ang pinagsamahan natin noon. Sabi mo kapag narito na tayo sa Pilipinas ay magiging mabuti ang samahan natin. Magtatayo tayo ng negosyo at magtutulungan para hindi na tayo mangibang bansa pa. Yun pala ikaw pa ang papatay sa akin at sa anak ko.. at pati kay Jeff. Napakasama mo!’’
Napangiti si Puri pero mapakla.
“Dahil kay Jeff—inagaw mo siya sa akin!’’
“Inagaw? Bakit ko siya aagawin sa’yo?’’
“Ako ang una niyang minahal. Inagaw mo siya sa akin!”
Hindi makapaniwala si Mayang. Ano itong sinasabi ni Puri? May ipinaglilihim ba sa kanya si Jeff?
“Hindi ka makapaniwala ano?’’ sabi ni Puri at nagtawa nang malakas. Mistulang tawa ng isang nasisiraan ng bait.
Nanlupaypay si Mayang. Totoo kaya ang sinabi ni Puri?
Nasa ganun siyang pag-iisip nang agawin ni Puri ang baril na hawak.
“Ikaw ang mamamatay ngayon, Mayang at pati ang mga kasama mo! Sama-sama na kayo, ha-ha-ha!”
Itinutok nito ang baril kay Mayang.
Kinalabit ang gatilyo.
BANG! BANG!
(Itutuloy)