13th month pay bilang bahagi ng final pay

Dear Attorney,

Nag-resign po ako at ang huli kong araw sa trabaho ay noong Nob. 30, 2024. Tama po ba na hindi ko natanggap ang 13th month pay ko bago lumipas ang Disyembre 24? — Rina

Dear Rina,

Bagama’t may karapatan kang makatanggap ng 13th month pay mula sa iyong nilisan na employer, ito ay karaniwang magiging bahagi na ng final pay.

Dahil dito, sa tingin ko ay hindi na applicable ang December 24 na deadline na itinakda ng batas para sa pagbabayad ng 13th month pay sa mga empleyado.

Ang applicable na rule sa iyong sitwasyon ay ang Labor Advisory No. 06 Series of 2020 mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), kung saan binibigyan ng 30 araw ang employer para i-release ang final pay ng isang kaaalis lang na empleyado.

Nakalagay rin sa nasabing labor advisory na bibilangin ang 30 araw “from the date of separation or termination of employment, unless there is a more favorable company policy, individual or collective agreement thereto.”

Ibig sabihin, mula sa pagkawalay sa trabaho bibilangin ang 30 araw, bukod na lang kung may mas maikling panahon para sa pag-release ang final pay base sa polisiya ng kompanya o sa napagkasunduan ng kompanya at ng empleyado o ng mga empleyado nito, kung mayroon man.

Samakatuwid, bagama’t hindi na obligasyon ng employer mo na ibigay ang iyong 13th month pay bago lumipas ang Disyembre 24, kailangan naman nila itong maibigay sa iyo sa loob ng 30 araw matapos ang iyong huling araw sa trabaho, kasama ang iba pang mga halaga na bumubuo ng iyong final pay.

Kung hindi mo pa rin natatanggap ang iyong 13th month pay o ang iyong final pay sa puntong ito ay mabuting lumapit ka na sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE o NLRC sa lugar ng iyong dating trabaho.

Show comments