Ang nagpapanggap na naghihirap

NOON pa man, mahilig na siyang magpaawa. Magdadrama muna ‘yan. Mga walang katapusang hinaing sa buhay. Tapos saka ipapasok ang makabagbag-damdaming: “Pautang ng P1,000, sa akinse or katapusan ko babayaran”. Kaya lang ilang akinse na ang lumipas, hindi pa rin nagbabayad, ‘yun pala, sa katapusan na ng mundo magbabayad.

Siyempre, kabisado mo na ang ugali kaya hindi mo siya pauutangin. Isama pa ‘yung annoying feeling na parang ­laging may patagong pera kung makapagsabi ng “pautang”. At kapag hindi pinautang, tatakbo sa ibang kamag-anak.

Ganoon ulit ang taktika: paawa, kuwento ng kanyang paghihirap…pero this time, may nadagdag na karakter sa kuwento…ikaw na hindi nagpautang sa kanya. Kesyo walang awa, mahigpit sa pera, hindi mautangan. Kesyo ikaw na lang ang tanging kamag-anak na puwedeng matakbuhan, pero tiniis mo siya. ‘Yung kamag-anak na hindi nagpautang, nadurog ang reputasyon nang walang kalaban-laban.

Sa paulit-ulit na kapapaawa sa mga kamag-anak, nagkaroon ng nagkakaisang impresyon ang buong angkan na naghihirap siya sa buhay. Kaya isang araw na nagkasakit ng malubha, isang hingi lang ng tulong pinansiyal, halos lahat ay nagpadala ng pera. Malayo ang tinitirhan niya sa lugar ng kanyang mga kamag-anak kaya ang pera ay ipinadala sa pamamagitan ng banko. Hindi pa uso ang G-cash noon.

Lumipas ang ilang buwan, ang mahilig magpaawa ay pumanaw. Nagpuntahan ang lahat ng kamag-anak. Noon nila nakita ang “real picture” ng buhay ng pumanaw na kamag-anak.

Unang-una, hindi siya naghihirap. May maganda siyang tatlong palapag na bahay, may katulong, may aircon ang ilang bedroom. Ang mga anak niya ay pulos propesyunal at ang iba ay nasa abroad.

Kaya ang katanungang nagsusumiksik sa utak ng mga kamag-anak—Bakit siya nagpanggap na naghihirap?

Saka biglang naisip ng mga nagtatakang kamag-anak, kung naghihirap…bakit may account sa banko kung saan doon ipinadala ang tulong sa kanya? Likas sa tao na ipaglihim ang kanyang paghihirap sa buhay, hindi para magkunwari, kundi panatilihin ang dignidad. Pero bakit pinili niya na magpanggap na naghihirap?

Show comments