Final pay, dapat ­ipagkaloob sa ­nag-resign na empleyado

Dear Attorney,

Nagresign po ako sa company ko December 1. Ang naka­lagay sa contract ko ay dapat mag-render daw ako ng 15 days para sa turn over ngunit one week lang ang napasukan ko. Na-turn over ko naman po lahat ng duties and responsibilities sa kasama ko. Tama po ba na hindi nila ibibigay ang final pay ko? AWOL daw kasi ginawa ko. Sana mabigyan mo ako ng legal advice. —Regine

Dear Regine,

Malinaw sa Labor Advisory No. 06 Series of 2020 na ang final pay ay tumutukoy sa lahat ng sahod o benepisyo na nararapat na matanggap ng isang dating empleyado. Kabilang na dito ang mga suweldong hindi pa natatanggap ng empleyado bago siya ay nag-reisgn o natanggal sa trabaho, cash conversion ng mga hindi nagamit na leaves, retirement pay, at iba pa.

Sa madaling sabi, may karapatan ang empleyado na matanggap ang kanyang final pay, anuman ang dahilan ng pag-alis nila sa trabaho.

Paano kung may pagkakautang ang empleyado sa kanyang employer? Kinilala ng Supreme Court sa kaso ng Milan v. NLRC (G.R. No. 202961, 04 February 2015) ang karapatan naman ng mga employer na magsagawa ng rasonableng clearance process bago nito ibigay ang final pay upang masigurado na maibabalik ang mga property ng employer na nasa kamay ng umalis na empleyado.

Kung matapos maisagawa ang clearance at lumalabas na wala namang kailangang bayaran na utang o property na maaring bawiin mula sa empleyadong nag-resign ay kailangang ibigay ng buo sa empleyado ang kanyang final pay.

Kaya kung ang tanging dahilan para hindi ibigay ang final pay mo ay ang hindi mo pagre-render ng sapat na araw, kailangang may liquidated damages o nakatakdang daños sa iyong employment contract para maging basehan ng hindi pagbibigay ng iyong final pay. Kung wala naman ay kailangang may aktwal na damages o pinsala na naidulot sa negosyo ang hindi mo pagre-render ng fifteen days.

Mainam kung kakausapin mo ang iyong dating employer upang maliwanag kung ano ba ang basehan ng hindi nila pagbibigay ng iyong final pay.

Kung ang tangi nilang rason ay ang hindi mo pagre-render ng sapat na araw at wala namang liquidated damages na nakalagay sa iyong kontrata, maari kang magreklamo sa NLRC upang maging malinaw kung tama nga bang ipagkait sa iyo ang iyong final pay.

Show comments