Dear Attorney,
Puwede ko pa bang makuha ang aking final pay kahit November 2022 pa ako nag-resign sa company? — Rianne
Dear Rianne,
Nakasaad sa Article 306 (dating Article 291) ng Labor Code na may tatlong taon para mag-file ng mga tinatawag na money claims na nagmumula sa employer-employee relationship.
Kabilang sa mga maaring i-file na money claims ay ang paniningil ng final pay, na binubuo ng mga halagang dapat ay natanggap na ng empleyado nang siya ay umalis sa trabaho.
Karaniwang kasama sa final pay ang huling salary ng empleyado, bahagi ng kanyang 13th month pay para sa kasalukuyang taon, monetized leaves, at iba pa.
Dahil may tatlong taon para makapag-file ng mga money claims na bunsod ng employment ay mayroon ka pang panahon para magsampa nito laban sa iyong dating employer upang makuha ang iyong final pay.
Alinsunod sa Labor Advisory No. 6, Series of 2020 na inisyu ng Department of Labor and Employment o DOLE, may 30 araw ang employer para bayaran ang final pay ng umalis na empleyado.
Kung sa katulad ng sitwasyon mo ay lumipas ang nasabing 30 araw ng hindi nababayaran ang final pay, ay saka na magsisimula ang pagbilang ng tatlong taon kung kailan may pagkakataon ang empleyadong katulad mo na magsampa ng money claims laban sa kanyang employer.