Mayang (86)

“HUWAG ka nang umiyak, Mayang,’’ sabi ni Jeff at marahang pinisil ang palad nito.

“Umiiyak ako dahil sa kaligayahan. Hindi ko kasi akalain na magbabalik ka pa at hahanapin ako. Ang akala ko, pababayaan mo na kami ni Jeffmari.’’

“Hindi mangyayari yun. Maski pa tanungin  mo si Mam Araceli. Siya ang magpapatunay na hinanap kita mula pa ng unang araw na dumating ako mula New Zealand.

“Sa kanya ko itinanong kung saan ka matatagpuan. Mara­ming beses na kaming nagkausap ni Mam Araceli at malaki ang utang na loob ko sa kanya. Siya rin ang nagligtas sa buhay ko.’’

“Alam ko Jeff.’’

“Alam mo Mayang?’’

“Oo. Lahat nang mga nangyari sa iyo ay inirereport sa akin ni Mam Araceli. Pati na rin ang muntik na pagpatay sa iyo ng mga criminal na sina Henry at Puri.’’

“Malaki ang naitulong ni Mam Araceli at siya rin ang nagturo sa akin na huwag titigil sa anumang laban. Huwag daw akong susuko at laging dumalangin sa Diyos na matagpuan kita.”

“Alam ko ang mga ginawa mo Jeff kaya naniniwala ako sa iyo. Alam kong mahal mo ako.’’

“Pero kung lagi kayong nagkakausap ni Mam Araceli,  bakit hindi niya nasabi sa akin ang tungkol sa ating anak. Bakit wala siyang binanggit tungkol kay Jeffmari?’’

“Nakiusap ako kay Mam na huwag sabihin sa iyo na mayroon tayong anak.’’

“Bakit?’’

“Gusto ko masorpresa kita. Gusto ko, makita ang reaksiyon mo kapag nakita mo na ang anak natin.’’

“Nasorpresa mo talaga ako Mayang—sobrang sorpresa. Ito ang pinakamaligayang pangyayari sa buhay ko.”

“Kaya noon pa, alam kong narito ka na sa Pinas. Namo-monitor ko ang kinaroroonan mo. Hanggang sa malaman ko na pupunta ka rito sa Pinamalayan para ako hanapin.’’

“Pero bakit wala ka sa palengke? Ang dami kong pinagtanungan pero hindi ka kilala!

“Talagang sinadya ko na huwag tayong magkita sa palengke. Gusto kong magkita tayo rito sa bahay.”

(Itutuloy)

Show comments