NAKAPANGHIHINAYANG kung mabubulok lamang ang mga bigas. Puwede namang ibenta ito sa mga mahihirap sa murang halaga para mapakinabangan. Kaysa ang makinabang lamang ay mga uod at bukbok, ipamahagi na.
Nasa anim na milyong sako ng bigas sa NFA ang nakatakdang mabulok kapag hindi naipamahagi. Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na napakaraming nakaistak na bigas sa NFA at kung hindi madi-disposed ang mga ito, mabubulok lamang. Noon pa umano nakaistak ang mga bigas at hindi na ito mapapakinabangan kung aabutin pa nang matagal.
Payo ni Tiu Laurel, gumawa ng batas ang mga kongresista na papayagan ang NFA na maibenta ang mga nakaistak na bigas sa palengke. Kung maibebenta sa mga palengke, maraming tao ang makikinabang. Ibenta umano ito ng NFA sa murang halaga upang maabot ng mga mahihirap.
Ganito rin ang payo ni Agriculture Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa na kailangang magkaroon ng kalayaan ang NFA na maibenta sa mga palengke ang nakaistak na bigas. Ayon pa kay De Mesa, maaring maibenta ang NFA rice ng P30 per kilo. Nawalan daw ng kapangyarihan ang NFA mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law (RTL). Dahil sa RTL, nawala ang regulatory powers ng NFA sa pagdi-disposed ng bigas. Pinapayagan lamang umano ang NFA na ibenta ang kanilang stock sa Department of Social Welfare and Development, Office of Civil Defense at local government units (LGUs).
May katwirang mangamba si Tiu-Laurel sa mga nakaistak na NFA rice dahil ayaw niyang may masayang. Kamakailan, sinabi niya 300,000 metriko tonelada ng bigas ang nasasayang taun-taon. Maghahain daw siya sa Kongreso ng panukalang batas na papayagang mag-serve ng kalahating cup ng kanin sa mga restaurant at fastfoods. Napakarami aniyang nasasayang dahil umo-order nang sobra-sobrang kanin ang mga customer pero hindi naman inuubos at tinatapon lamang sa basurahan. Ayon pa kay Tiu-Laurel panahon na raw para maging responsible ang mamamayan upang hindi masayang ang kanin.
Ang kasagutan o solusyon para hindi masayang o mabulok ang NFA rice ay nasa kamay ng mga mambabatas. Lumikha sila ng batas na may kapangyarihan ang NFA na maibenta ang kanilang rice stock sa murang halaga. Pero bantayan din ang NFA sapagkat baka magkaroon ng anomalya. Noong nakaraang taon, nagkaroon ng kontrobersiya sa mga ibinentang NFA rice sangkot ang mga opisyal.