Dear Attorney,
Natanggal po ako sa trabaho dahil sa redundancy at gusto ko sanang itanong kung hindi na ba ako makakakuha ng 13th month. Nitong November lang nangyari ang tanggalan kaya iniisip ko kung tama ba na hindi ko makuha ang 13th month pay dahil lang hindi ako umabot ng December sa trabaho.—Phil
Dear Phil,
Dapat ay makatanggap ka pa rin ng 13th month pay kahit ikaw ay natanggal sa trabaho bago mag-Disyembre.
May karapatan pa rin sa 13th month pay ang isang empleyadong nahiwalay sa kanyang trabaho mapabunsod man ito ng kanyang kusang pagre-resign o ng kanyang termination o pagkakatanggal.
Kaya dapat ay bayaran pa rin ng dati mong employer ang iyong 13th month pay. Kailangang maibigay rin nila ito ng hindi lalampas ng isang buwan mula nang ikaw ay tinanggal sa trabaho. Kailangang parte ito ng iyong final pay, na binubo ng iyong separation pay at ng iba pang obligasyon sa iyo ng iyong employer na may kinalaman sa pera.
Gayunpaman, hindi katumbas ng isang buwang sahod mo ang matatanggap mong 13th month pay. Nakadepende kasi ang halaga ng 13th month pay sa kabuuang sahod na natanggap sa loob ng isang taon. Upang makuha ang halaga ng 13th monthy pay ay kailangang i-divide sa 12 ang total na sinahod ng empleyado sa buong taon.
Kaya kung walang 12 buwan ang itinagal ng empleyado (katulad sa iyong sitwasyon na hanggang Nobyembre lang) ay magiging mas maliit talaga sa monthly salary ang 13th month pay na kanyang matatanggap.