ISANG pambihirang itlog na perpektong bilog ang hugis ang naibenta sa isang subasta sa halagang £200 (humigit-kumulang P21,000) sa United Kingdom.
Ang kakaibang itlog, na itinuturing na “one-in-a-billion” ay naging daan upang makalikom ng pondo para sa kabataang nangangailangan ng suporta sa mental health.
Ang itlog ay unang nadiskubre ng isang babae sa Ayr, Scotland, kung saan nabili niya ito sa isang local supermarket.
Si Ed Pownell, isang residente mula Lambourn, Berkshire, ang unang nakabili ng itlog sa halagang £150 matapos makita ito sa isang pub.
Matapos itong mabili, ipina-“blow” niya ang itlog, isang proseso kung saan maingat na tinanggal ang laman nito at iniwang buo ang balat para mapanatili ang kondisyon.
Sa halip na itago sa kanyang tahanan, nagdesisyon si Pownell na i-donate ang itlog sa Iuventas Foundation, isang charity na naglalaan ng life coaching, mentoring, at mental health aid para sa kabataang nasa edad 13-25 sa Oxfordshire.
Bagamat unang inakala ng organisasyon na biro ang donasyong ito, sinubukan nila itong isubasta.
Sa subasta, ang itlog ay isa lamang sa mga bagay na ibinenta ng foundation upang makalikom ng kabuuang £5,000 na donasyon.
Para kay Pownell, ang kanyang desisyon ay nagdala hindi lamang ng kasiyahan kundi pati na rin ng pag-asa para sa iba.
Sa kabila ng pagiging kakaiba at nakatatawang karanasan, ang kuwento ng itlog ay patunay na kahit ang pinakapambihirang bagay ay maaaring makapagbigay ng malaking tulong sa nangangailangan.