Dear Attorney,
Tanong ko lang po kung ang 3 years 5 months and 21 days ay considered na 4 years in service? Dapat po ba 4 months separation pay ang bayad dito? Salamat po sa pagtugon. — Kay
Dear Kay,
Nakalagay sa Artcle 298 (dating Article 283) ng Labor Code ang panuntunan ukol sa separation pay at nakasaad sa nasabing probisyon na “a fraction of at least six (6) months shall be considered one (1) whole year.” Ibig sabihin, bibilangin lamang na isang buong taon ang bahagi ng serbisyo na less than 1 year kung ito ay anim na buwan o higit pa.
Sa iyong sitwasyon, limang buwan at dalawampu’t isang araw ang bahagi ng iyong serbisyo na mas mababa sa isang taon. Dahil kailangang anim na buwan o higit pa ang bahaging less than one year upang mabilang ito bilang isang taon ay three years of service lamang ang bibilangin para sa komputasyon ng iyong separation pay.
Paalala lang din na sa pag-compute ng separation pay, hindi laging isang buwan na sahod ang katumbas ng bawat taon ng serbisyo. Base sa dahilan ng pagkakawalay sa trabaho, maaring kalahating buwang suweldo lamang ang katumbas ng isang taong serbisyo.
Ang kalahating buwan na sahod para sa bawat taon ng serbisyo ay angkop kapag natanggal sa trabaho ang empleyado dahil sa retrenchment, pagsasara ng negosyo, o dahil sa pagtigil ng operasyon upang makaiwas ang negosyo sa pagkalugi.