Dear Attorney,
Legal ba na ako ay ilagay sa floating status dahil may reklamo raw laban sa akin at hangga’t wala raw desisyon ang HR ay hindi raw ako mabibigyan ng duty?—Pablo
Dear Pablo,
Ang paglalagay sa floating status ay hindi isang parusa na ipinapataw sa mga empleyadong may violation ng company policy.
Ginagawa lamang ito sa mga pagkakataong suspendido ang operasyon ng negosyo o ng bahagi nito at may kalabisan sa dami ng empleyado.
Kailangan din na bigyan ng notice ang Department of Labor and Employment (DOLE) isang buwan bago isailalim ang empleyado sa floating status.
Baka naman preventive suspension ang ibig sabihin ng Human Resources (HR) ng kompanya ninyo.
Pinapayagan naman ng batas ang preventive suspension ng mga empleyadong may kinakaharap na violation basta’t hindi ito hihigit ng tatlumpung araw.
Pagkalampas kasi ng 30 araw ay kailangan nang papasukin sa trabaho ang empleyado. Kung hindi man siya papasukin ay kailangan na siyang bayaran ng kanyang sinasahod.
Maaring maharap ang employer sa kasong illegal dismissal kung labis na sa 30 araw ang preventive suspension ng isang empleyado at hindi pa rin siya pinasasahod o pinababalik sa trabaho.