EDITORYAL - Sinong nag-utos?

SABI ng Philippine Statistics Authority (PSA), wala sa data base ng ahensiya ang pangalang Mary Grace Piattos. Hindi umano nag-e-exist ang pangalan. Ayon kay PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa, walang record para sa individual’s birth, marriage at death record ni Mary Grace Piattos. Isinumite ng PSA ang kanilang findings sa House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga sa hindi maipaliwanag na paggastos ng pondo ng Office of the Vice President at confidential fund.

Si Mary Grace Piattos ay isa sa signatories ng 158 acknowledgment receipts na naka-attached sa liquidation reports na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) kaugnay sa P125 million confidential funds na ginastos noong 2022.

Isa pang pangalan ang hinahanap ng PSA na naka­pirma rin sa acknowledgement receipts na isinumite sa COA. Isang nagngangalang “Kokoy Villamin” ang tumanggap din ng confidential funds. Ayon sa opisyal ng PSA, magsasagawa pa sila nang masusing pagsasaliksik sa nasabing pangalan. Kapag natapos na ang kanilang paghahanap kay “Kokoy Villamin” ay agad nilang isusumite sa House committee on good government and public accountability.

Unang lumutang ang pangalang Mary Grace Piattos nang mapansin ng isang mambabatas sapagkat kakaiba ang pangalan na tila hinango sa isang café/restaurant at potato chips. Nang tanungin ang mga inimbitahang tauhan at opisyal ng OVP, wala silang maalalang Mary Grace Piattos. Sabi ng mga mambabatas tila nagka-amnesia ang mga taga-OVP. Maski si Vice President Sara nang tanungin ukol kay Mary Grace Piattos ay walang masabi. Hindi pa raw niya nakikita ang acknowledgement receipt. Dahil sa pagiging kontrobersiya ni Mary Grace Piattos, nag-offer ng P1-milyon na pabuya ang mga mambabatas sa sinumang makapagtuturo kay Mary Grace Piattos.

Bukod kay Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin na nakalagda sa acknowledgement receipts nakalagda rin umano ang mga pangalang Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Reymunda Jane Nova at Chippy McDonald.

Kapag walang natagpuan ang PSA na pangalang Kokoy Villamin at iba pa, titibay ang paniwala na talagang mga kathang isip lamang ang mga pangalang nakalagda sa acknowledgement receipts. May nag-utos na imbentuhin ang mga pangalan para kunwari ay may tumanggap ng confidential funds. Sinong nag-utos?

Show comments