MALAKING perwisyo ang naging bunga ng pagkapikon ni VP Sara Duterte sa ginagawang pag-iimbestiga ng House quad committee kung paano ginastos ang pondo ng Office of the Vice President at Department of Education.
Kung sa pasimula pa lamang, naging mahinahon at iginalang lamang ni Sara ang mga alituntunin ng Kamara, hindi sana lumala ang sitwasyon at humantong sa pagsasampa sa kanya ng impeachment complaint. Maari naman siyang humiling ng executive session kung ayaw nitong isapubliko ang komprontasyon.
Tutol si President Bongbong Marcos na sampahan ng impeachment complaints si Sara. Sinalungat naman ito ng Civil Society Group at Makabayan Bloc sa Kongreso at sila ang nagsampa ng reklamo laban kay Sara. Si dating Sen. Leila de Lima ang tumatayong abogado at tagapagsalita ng grupo.
Nakapaloob sa reklamong inilatag laban kay Sara ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, korapsiyon at pagbabanta sa buhay ng Presidente. Taliwas ito sa isinasaad sa konstitusyon na ang Vice President ay dapat nakasubaybay at katulong sa mga gawain at adhikain ng Presidente para sa bansa.
Nakasalalay ang gagawing paghatol ng Kongreso kay Sara batay sa katotohanan at sustansya ng akusasyon sa pag-inog ng impeachment proceedings. Nakakalendaryo ang pagpapaliban sa lahat ng pagpupulong ng kongreso sa Disyembre 21 at magbubukas sa Enero 12, 2025. Pakiramdaman natin kung gagawa ng paraan ang Kongreso na gumulong ang proseso.
Kung hindi naman tatalima ang Kongreso sa inilatag na reklamo ng grupo ng Makabayan Bloc, Civil Society Groups at Marcos supporters, mistulang minaliit at binalewala ang kanilang pagmamalasakit sa gobyerno.
Kung tutuusin nga naman ay suporta nila ito sa administrasyon ni PBBM. Baka magtampo at magbuo sila ng nakasanayan nilang malawakang protesta. Malaking problema ito pag nagkataon!
Ipagdasal natin na huwag tayong dalawin ng bangungot ng dekada ‘70!