“KUNG hindi ka na-rescue, sa palagay mo tutuluyan kang patayin ng sinasabi mong si Henry?’’ tanong ni Mam Araceli.
“Opo Mam. Muntik na nga akong barilin nang umalma ako.’’
“Diyos ko salamat at nakaligtas ka.’’
“Mabuti nga po at mabilis ang responde ng mga pulis kaya nang lumabas kami sa bahay, nadakma agad ang dalawa.’’
“Ipinangako ng inaanak kong colonel na pupunta agad sa sinabi kong bahay sa Lardizabal St. Malapit lamang doon ang police station.’’
“Kinabahan nga po ako sapagkat nang lumabas kami sa bahay ay tahimik na tahimik sa kalsada. Wala pong mga tao. Ang nasasaisip ko, hindi pa dumarating ang mga pulis, yun pala, nakapuwesto na sila.’’
“Anong sumunod na nangyari?’’
“Nang naglalakad na kami patungo sa sasakyan ng kidnaper na si Henry, biglang nagsulputan sa kung saan-saan ang mga pulis. Mayroon pong nasa bubong ng bahay. Talagang pinaghandaan nila si Henry.’’
“Kasi nga dangerous ang taong yun. Binanggit ko kay Colonel na may baril at base sa kuwento, marami nang pinatay na balikbayan at OFWs.’’
“Nang arestuhin po e hindi na nakapalag. Sumama nang maayos. At saka po sinabi ni Colonel na matagal na nga po nilang hinahanap si Henry at Puri. Malaki ang reward sa makapagtuturo. At ikaw nga po ang sinabi ni Colonel na tatanggap ng reward.’’
Napaiyak si Mam Araceli.
“Mabuti ang Diyos. Gumagawa Siya ng paraan na sagot sa mga dasal ng nananalig sa kanya,’’ sabi ni Mam.
“Tama ka Mam Araceli—mabait ang Diyos. Dinidinig po ang ating dasal.’’
“Kaya huwag titigil sa pagdarasal.’’
“Kailan po kaya diringgin ng Diyos ang aking dasal na makita si Mayang.’’
“Malapit na, Jeff. Huwag kang mainip.’’
“Alam mo po kung nasaan si Mayang? Mayroon ka na pong balita kung saan siya matatapuan?’’
“Sasabihin ko sa’yo sa mga darating na araw. Maghintay ka lang Jeff. Ito ang sagot sa mga dasal mo.’’
Nakadama nang hindi maipaliwanag na kasiyahan si Jeff.
(Itutuloy)