“DALAWANG tao po ang may balak pumatay sa akin—kukunin nila ang pera ko at saka ako papatayin, Mam Araceli!’’ sabi ni Jeff. Sinamantala niya ang pagkakataon nang lumabas si Puri para salubungin si Henry.
“Sino ang dalawang ito, Jeff?’’
“Isang babae at isang lalaki, Mam. Ang babae ay nagngangalang Puri at ang lalaki ay Henry. Miyembro po sila ng sindikato na nambibiktima ng mga OFW na katulad ko at maging ng mga balikbayan. Sinisimot nila ang pera ng biktima at saka papatayin. Narinig ko po na marami nang napatay si Henry.’’
“Diyos ko!’’
“Kaya nga po ikaw ang tinawagan ko Mam.’’
“Huwag kang mag-alala at may inaaanak akong pulis sa Manila’s Finest. Siya ang kokontakin ko ngayon din.’’
“Sige po Mam Araceli. Nasa labas po ang nagbabantay sa akin kaya ko ikaw natawagan. Paparating na po si Henry at balak nila akong dalhin sa aking tirahan para kunin ang aking ATM card at mga alahas. Lilimasin po nila ang ari-arian ko at saka ako papatayin.”
“Sige Jeff, tatawagan ko na ang inaanak kong pulis. Papupuntahin ko agad diyan.’’
“Sana po Mam, dumating agad ang mga pulis bago ako madala ng sindikato sa aking bahay.”
“Oo Jeff! Mag-ingat ka diyan at magdasal!”
“Opo Mam Araceli!’’
Eksaktong natapos ang pag-uusap nila ay narinig ni Jeff ang pagbubukas ng gate. Dumating na si Henry!
Nagkunwari uli na tulog si Jeff.
Maya-maya pa ay may nagtulak sa pinto at pumasok sina Puri at Henry.
“Nasaan si Kumag?’’ tanong ni Henry.
“Ayun sa sopa! Tulog na tulog!’’
“Sisipain ko para magising!’’ sabing marahas ni Henry.
Bahagyang binukas ni Jeff ang kaliwang mata at nakita si Henry. Kamukha ng isang kontrabidang actor—may bigote. Mabalasik. Mukhang mamamatay tao!
Nakita niyang lumapit sa kanya si Henry at balak talaga siyang sipain!
Kailangang gumawa siya ng paraan! (Itutuloy)