LAITERO ang aking titser sa 3rd grade. Laitero—mahilig manlait. Very creative ang mind niya para makaisip ng “binyag” sa mga estudyante niyang payatot at bansot. Ang mga kaklase kong maliliit at payat, kasama ako, ay bininyagan niyang mga “agas”. Para raw kaming inagas na fetus dahil maliliit na, ay mga payatot pa.
Pasukan noon. Hindi pa ako naibibili ng notebooks dahil hindi pa sumusuweldo si Tatay. Ang ginamit ko ay mga notebook na luma pero marami pang pahina na hindi nasulatan. Ginupit ko ang pahinang nasulatan na. Ito ‘yung notebook na may tahi sa gitna. Kapag sinagad ang gupit ay malamang na maghiwa-hiwalay ang lahat ng pahina. Ang pangit ng hitsura matapos kong gupitin ang ibang pahina. Kahit pangit ay dinala ko rin sa school dahil wala akong pagsusulatan ng mga kokopyahing lessons.
Ayokong makita ng seatmate ko ang aking pangit na notebook. Para maitago ang mga pinaggupitan ng pahina, sa last page ng notebook ako nagsimulang magsulat. Naku, nakita ako ni Titser na may matang lawin pala. Sa malakas na boses ay pinuna ako:
“Abaaa…may kaklase pala kayong Intsik dito! Kailan mo pa natutuhang magsimulang magsulat sa hulihang pahina? Ano ka Intsik?” (Paumanhin sa mga Chinoy, iyon talaga ang eksaktong dayalog).
Tumabi ito sa akin. Kinuha ang aking notebook at binuklat sa unang pahina. Nagsalita ulit ito nang malakas kaya lahat ng classmates ko ay sa akin nakatingin. Lalong nabulgar na ang notebook na ginagamit ko ay pulos may gupit at luma. Hiyang-hiya ako.
“Dito ka mag-uumpisang magsulat sa first page. Hindi sa last page!”
Hindi pa ako marunong magtanggol sa aking sarili. Hindi ko kayang mangatwiran sa titser. Natatakot akong sabihan na walang modo sa matanda. Pinalaki kami sa paniwalang kawalan ng paggalang ang pangangatwiran. Dapat ay walang imik kapag sinesermunan. Isang summer vacation at magkokolehiyo na ako, nagkasalubong kami ng titser na iyon. Binati ako. Alam niyang magkokolehiyo na ako.
“Saan ka mag-aaral?”
“Sa UST po.”
“Mahirap ang entrance test doon.”
Alam kong may anak siyang nag-aaral sa UST.
“Naipasa ko na po,” buong pagmamalaki kong sagot
“Hmmm… Mahirap ang aral doon.”
May “shade” pa rin ng panlalait. Hanggang sa oras na iyon ay hindi pa pala nagbabago ang paniwala niya tungkol sa akin. Dahil sa notebook na luma.