May 13th month pay pero walang Christmas bonus

Dear Attorney,

Bakit po sa pinapasukan naming company ay may 13th month pay pero walang Christmas bonus? Puwede po ba yun? — Marie

Dear Marie,

May pinagkaiba ang 13th month pay at Christmas bonus.

Ang 13th month pay ay ibinibigay sa lahat ng empleyado alinsunod sa Presidential Decree (PD) No. 851. Sa ilalim ng nasabing batas ay required ang lahat ng employers na bigyan ng 13th month pay ang lahat ng kanilang mga empleyado na nakapagtrabaho para sa kanila ng ng isang buwan o higit pa.

Marami ang nag-aakalang ang 13th month pay ay isang uri ng bonus ngunit katulad ng nabanggit, ipinag-uutos ng batas ang pagbibibigay nito sa lahat ng empleyado kaya hindi ito matatawag na “bonus”.

Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Manila Banking Corporation v. NLRC (G.R. No. 107487, 29 September 1997), ang “bonus” ay ibinibigay lamang bunsod ng pagiging mapagbigay o dahil sa kagandahang-loob ng kompanya.

Dagdag lamang ito sa karaniwang sahod kaya hindi puwedeng obligahin ang employer sa pagbibigay nito. Base sa depinisyon na ito, ang 13th month pay ay hindi isang bonus dahil inoobliga ng batas ang pagbibigay nito.

Iyan ang pinagkaiba ng 13th month pay sa Christmas bonus. Bilang bonus, hindi labag sa batas ang hindi pagbibigay nito sa empleyado. Ito ay puwera na lang kung naging taun-taon na ang pagbibigay ng Christmas bonus na naging isa nang regular na benepisyo.

Sa ganoong sitwasyon ay may basehan ang empleyado na magreklamo dahil sa tinatawag na “diminution of benefits” o pagbabawas ng benepisyo ng employer.

Show comments