Hindi nakayanan ni Tutoy ang takot na nadama kaya bago pa makapasok sa kanilang bahay ay nahimatay na ito sa tapat ng kanilang pintuan. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nawalan ng malay pero paggising niya, nasa loob na siya ng bahay at nakahiga sa sofa. Bumulaga sa kanya ang magandang mukha ni Glenda. Sisigaw sana siya pero tinakpan ni Glenda ang kanyang bibig.
“Hindi kita sasaktan. Parang awa mo na, pakinggan mo ako. Alam kong nabisto mo na ang aking lihim. Mula ako sa lahi ng mga aswang at manananggal. Kaya ‘yung nakita mong nahati ang aking katawan, kusang nangyayari iyon, sa ayaw ko man o sa gusto. Pero hindi ako namemerwisyo ng mga tao. Hayop ang pinapatay ko para maging pagkain at patuloy na mabuhay. Aalis din ako ngayong gabi at magpapakalayu-layo na.
“Sana ay ilihim mo ang iyong nakita… pansamantala. Kapag matagal na at nakalimutan na nila ako, okey lang na ikuwento ang iyong nakita. Salamat sa kabaitan ninyong lahat sa akin. Kung normal lang ako, gusto kong dito manirahan. Mababait kayo, lahat ng tao rito. Aalis na ako, baka dumating na ang iyong ama at ina. Malapit nang magsara ang cabaret.”
Bago lumabas ng pinto, lumingon muli si Glenda kay Tutoy. “Alam ko may gusto ka sa akin”. At saka tumawa nang mahina. Halatang may lungkot. Wala ni isa mang salita ang lumabas sa bibig ni Tutoy. Maya-maya ay unti-unting bumuhos ang luha sa kanyang mga mata. Mula iyon sa pinaghalu-halong awa at takot sa babaing minahal niya, o panghihinayang sa naudlot niyang love story.
Sa pagdaan ng panahon, tumandang binata si Tutoy. Kapag tinatanong kung bakit nanatili siyang binata, ang laging isinasagot niya ay: “Umalis na ang babaing minahal ko, naroon na sa itaas”. Sabay turo sa langit. Ang akala ng kausap ay namatay na ang babaing minahal niya. Hindi alam ay lumilipad pala ito pagsapit ng gabi.